Tuesday, March 16, 2010

Alamat ni Marya Makiling

Alamat ni Marya Makiling

Sa isang lugar na Makiling ang ngalan, ay may nakatirang mag-sawang diyos at diyosa. Sila ay may anak na babae na ang pangalan ay Marya. Sila ay mababait at tumutulong sa mga taong nangangailangan. Dahil dito, sila ay mahal na mahal ng mga tao. Noong panahon na iyon, ang mga diyos ay binigyan ng kapangyarihang makihalubilo sa mga mamamayan.

Isang araw, si Marya ay nakita ng isang makisig na binata at dahil sa kagandahan nito, ang binata ay umibig sa kanya. Palagi na siyang inaabangan nito. Hindi nagtagal at naging magkasintahan sila na nakaabot naman sa kaalaman ng mga magulang ng dalaga. Sapagkat hindi maari na ang isang diyosa ay umibig sa isang mortal, inilayo si Marya ng kanyang mga magulang.

Dumating ang panahon na si Marya na ang naging panginoon sa Makiling. Naging mabait din siya sa mga tao. Sa paglipas ng panahon, dahil sa pagbabago ng salinlahi, nagbago din ang ugali ng mga tao. Naging abusado sila, ganid at sakim. Ang kanilang hinihiram kay Marya ay hindi na nila isinasauli. Si Marya naman ay naging mapagpaumanhin ngunit sinuklian pa rin siya ng kasamaan. Doon nagsimulang magalit si Marya. Hindi nagtagal, kumidlat, kumulog at umulan ng apoy.

Hindi na siya nagpakita sa mga tao.

Kung pagmamasdan natin ang bundok ng Makiling, mapapansin nating tila ito ay isang nakahigang babaing mahaba ang buhok.

Bugtong

Ang bugtong ay mga parirala o pangungusap na patula at naglalarawan ng talinghaga at nauukol sa mga pang-araw-araw na karanasan ng mga mamamayan.

Mga Halimbawa ng bugtong:

Ina'y gumagapang pa
ang anak ay tumatayo na.
(kalabasa)

Ako'y nagtanim ng tubig sa gitna ng tubig
ang idinilig ko'y tubig, namunga na maliit.
(asin)

Isda ko sa Mariveles
nasa loob ang kaliskis.
(sili)

Oo nga't sili
nasa loob ang aligi.
(pagong)

Oo nga't pagong
nasa loob ang tumbong.
(niyog)

Oo nga't niyog
nasa loob ang bunot.
(mangga)

Oo nga't mangga
nasa loob ang bunga.
(kasoy)

Kung pabayaan mong ako ay mabuhay
yaong kamatayan dagli kong kakamtan
datapwa't pag ako'y minsanang pinatay
ang buhay kong ingat lalong magtatagal.
(kandila)

Kahit ka na isang dalubhasa't pantas
at nalalaman mo ang dunong ng lahat
aling bapor kaya sa sangmaliwanang
ang damit natin doo'y naglalayag?
(plantsa)

Hindi pari
hindi hari
nagdadamit ng sari-sari.
(sampayan)

Dalawang magkaibigan
uanahan ng unahan.
(paa)

Nakaluto'y walang init
umaaso kahit malamig.
(yelo)

Dahon ay espada
puro mata ang bunga.
(pinya)

Ang paa'y apat
hindi makalakad.
(mesa)

Dalawang tindahan
sabay kung bubuksan.
(mata)

Heto na si Kaka
Bubuka-bukaka.
(gunting)

Mga Salawikain

Ang Salawikain ay klase ng pahayag na kapupulutan ng aral kung saan ito'y magagamit sa pang-araw-araw na buhay.

Mga halimbawa ng salawikain:

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Di makararating sa paroroonan.

Ang walang pagod mag-ipon
Walang hinayang magtapon

Aanhin mo pa ang damo
Kung patay na ang kabayo.

Nasa Diyos ang awa
Nasa tao ang gawa.

Ang maniwala sa sabi-sabi
Walang bait sa sarili.

Ang lumalakad nang matulin
Kung matinik ay malalim.

Pag may isinuksok
May madudukot.

Pag hangin ang itinanim
Bagyo ang aanihin.

Ang utang na loob kahit mabayaran,
utang at utang din kahit mabayaran,
sa pakitang-loob at tapat na damay
ay walang salaping sukat maitimbang.

Mabuti pa ang nag-iisa,
kaysa may masamang kasama.

Ang lumalakad nang marahan, kung matinik ay mababaw,
Ang lumalakad ng matulin, kung matinik ay malalim.
Ang lumalakad ng bigla, nasusubasob, nadarapa,
Ang tumatakbo pa kaya, ang di magkadapa-dapa?

Ang kahoy na liko't baluktot
hutukin hanggang malambot;
kung lumaki at tumayog
mahirap na ang paghutok.

Hindi na nakikilala ang bayani sa salita,
kundi sa kanyang kilos at gawa.

Ang huni ng ibong tikling sa itaas ng balimbing
kapag ang asawa'y labis kung maglambing
mag-ingat ka, tao, puso'y kabilanin.

Ang huni ng kilwayan sa itaas ng kawayan
kapag ang asawa'y hantad kung magmahal
malimit na ito'y pakitang tao lang.